Tumimbuwang ang isang pulis sa bayan ng Aborlan, Palawan makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek, Biyernes nang umaga.
Kinilala ang biktima na si P/SMSgt. Nelzahib Dela Torre Aizo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglalakad umano si Aizo sa kalsada malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Plaridel nang pagbabarilin ng suspek.
Nagtamo si Aizo ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na dahilan ng agaran nitong pagkamatay. Agad naman umanong tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek patungong bayan ng Narra, Palawan.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing krimen para malaman ang posibleng dahilan ng pagpatay sa nasabing pulis. (Paul Jaysent Fos)