Pulis niratrat ng nakasuot na pang-militar

Agad na nasawi ang isang dating opisyal ng pulisya matapos pagbabarilin ng siyam na beses sa likod habang nakikipag- kuwentuhan sa Purok 6, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela noong Linggo.

Kinilala ng Cauayan City Police Station (CCPS) ang biktima na si P/Lt. Oliver Tolentino, 37, may asawa, ng Cabaruan, Cauayan City.

Si Tolentino ay nag –AWOL (Absent Without Official Leave (AWOL) sa Isabela Police Provincial Office (IPPO).

Ayon sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Tita Tolentino, nakikipagkuwentuhan ito (biktima) sa isa niyang kapatid at bayaw nang dumating ang armadong suspek na nakasuot ng military uniform na may bonnet sa ulo.

Ayon kay Tita, biglang nilapitan ng suspek si Tolentino sa likod at walang sabi-sabi itong pinagbabaril sa katawan.

Pagkatapos nang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek gamit ang itim na Toyota Innova.

Narekober mula sa crime scene ang 17 na basyo ng bala ng baril.

Matatandaang si Tolentino kasama ang dalawa pa ay sinampahan ng kaso ng Reina Mercedes Police Station (RMPS) matapos masangkot sa panghoholdap sa mag-asawang negosyante. (Allan Bergonia)