Pinaulanan ng bala ng isang pulis ang kanyang misis at binatilyong anak sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City kahapon.
Kasunod ng ginawang pamamaril ay agad din namang sumuko ang namaril na padre de pamilya na si PO2 Roal Sabiniano, 38-anyos, miyembro ng Regional Public Security Group ng National Capital Region Police Office at nakatalaga sa Camp Bicutan sa Taguig City.
Ayon sa ulat na nakalap ng pulisya sa Barangay Commonwealth, nakarinig umano ng magkakasunod na putok ang mga kapitbahay sa loob ng bahay ng pamilya Sabino.
Nasa kasagsagan umano ng pamamaril ang pulis nang magtatakbo papalabas ng bahay ang 16-anyos na panganay na anak ng pamilya Sabino karga ang bunsong kapatid na isang taong gulang kaya nakaligtas sa walang habas na pamamaril ng kanilang ama.
Matapos magpaulan ng bala sa bahay ay tumakas ang suspek na kalaunan ay isinuko ang sarili sa mga tauhan ng barangay.
Nang respondehan ang bahay ng pamilya Sabino ay naabutan ng mga pulis ang duguang bangkay ng mag-ina sa sala ng kanilang bahay na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng 9mm na baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan ng mag-ina.
Sumailalim din sa pagsusuri ang pulis at nagtuklasang negatibo ito sa drug test.
Kasalukuyan pang inaalam ang dahilan ng umano’y pamamaslang ng pulis sa kanyang asawa at anak.