Patay ang isang pulis makaraang pagbabarilin ito ng tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa harapan ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Santiago, Agusan del Norte.
Kasunod ng pagpatay kay SPO3 Reil Mejares Morgado, naka-assign sa Santiago Municipal Police Station (MPS), naaresto sa follow-up operation ang tatlong miyembro ng NPA na nakilalang sina Renato Caerlang, 34, kapatid na si Ryan James Caerlang, 18, at Reidel Cabello, 26, pawang mga residente ng Brgy. Poblacion nang nabatid na bayan.
Nangyari ang pamamaslang sa pulis dakong alas-8:30 nang gabi sa harapan ng bahay ni Morgado. Batay sa interogasyon sa mga nadakip na suspek, plano lamang umano nilang dukutin ang biktima ngunit dahil armado rin ito ng kanyang service firearm ay tinuluyan na itong patayin.
Gagamitin umano ng grupo ang pulis para sa negosasyon matapos ang panibagong extension ng Martial Law sa Mindanao.