Padapang bumulagta ang isang pulis matapos barilin sa ulo habang nagpapatrulya ito sa Freedom Park sa harapan ng Agui­naldo Shrine sa Brgy. Kaingen Kawit, Cavite kahapon ng umaga.

Kinilala ng Kawit Municipal Police Station ang biktima na si PO2 Rogelio Francisco, na nakata­laga bilang tourist police.

Nawalan umano ng silbi ang suot na bullet proof ng biktima dahil sa ulo ito inasinta.

Napag-alaman din na tila alam ng suspek ang oras ng paglalakad ng biktima na nagpapatrulya sa paligid ng Freedom Park dahil pagsapit umano nito sa may tabing ilog ay lumapit ang gunman at isi­nagawa ang pamamaslang.

Tinangay din ng suspek ang service firearm ng biktima bago mabilis na sumakay sa nag-aabang na motorsiklo na humarurot patungo sa direksyon ng bayan ng Noveleta.

Personal na motibo ang anggulong sinisilip sa krimen, lalo’t ilang beses na umanong nadadawit sa katiwalian ang nasabing pulis.

Minsan na rin umano itong nabaril ng mga kabaro at muntik na rin masibak sa serbisyo.