Pulis pinulot sa kanal

SUGATAN ang isang Cavite Police nang nahulog sa kanal ang minamanehong motorsiklo matapos na bumangga sa mga tumpok ng buhangin sa Dasmarinas City, Cavite.

Ginagamot ngayon sa UMC Hospital ang biktimang si Patrolman Rodolfo Francisco Jr., ng Dasmarinas City Police at residente ng Core House Bancal, Carmona, Cavite.

Sa ulat ni PSSgt Donato Almenario, ng Dasmarinas CPS, dakong alas-9:35 Lunes ng gabi nang maganap ang insidente habang bumabagtas ang biktima patungo sa direksiyon ng GMA.

Dahil madilim ang bahagi ng naturang kalsada at hindi nito napansin na may mga tumpok na buhangin sa lugar ay nawalan siya ng kontrol sa kanyang manibela hanggang sa sumemplang patungo sa isang kanal.

Nakahiga pa ang biktima nang abutan siya ng mga rescuer ng Dasmarinas City at isinugod sa ospital. (Gene Adsuara)