PULIS PUMATAY SA ROAD RAGE

Patay ang isang jeepney driver at tinamaan ng ligaw na bala ang isang binata nang magalit at pagbabarilin ng isang pulis-Pasig ang una na nakasagian nito sa Antipolo City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Antipolo City Chief of Police, Police Supt. Ruben Andiso, ang nasawing biktima na si Petronilo Fernando, nasa hustong gulang, na nagmamaneho ng pampasaherong jeep na may plakang PXH 791 at may biyaheng Marikina-Bagong Nayon.

Habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Antipolo District Hospital ang biktimang si Jericho Andara, 25, sanhi ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibreng ng baril sa kanang kamay nito.

Nakilala naman ang itinuturong suspek na si PO2 Ronald Pentacasi, nakatalaga sa Station 7 sa Manggahan, Pasig na tumakas subalit nagpahayag naman ng kahandaang sumuko sa kanyang superior.

Batay sa ulat na isinumite ni Antipolo Police Community Precinct 1 (PCP1) Commander Ins­pector John Paul P. Tabujara, dakong alas-singko kamakalawa ng hapon nang maganap ang krimen sa pababang bahagi ng Marcos Highway sa Antipolo City kung saan nagkasalubong ang biktima na sakay ng kanyang jeepney at pauwi na sana, habang ang suspek naman ay sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.

Nagkasagian umano ang dalawang sasakyan dahilan upang tumumba ang motorsiklo.
Kaagad naman umanong nilapitan ng jeepney driver ang biktima at pinakiusapan na magkita sila sa kanilang garahe sa Catalina Street upang ayusin ang problema at magbabayad na lamang siya sa perhuwisyo, dahil sumisikip na ang daloy ng trapiko sa lugar.

Nauna umanong nakarating ang suspek sa Catalina Street, ngunit pagdating ng biktima ay walang sabi-sabing binaril ito ng tatlong ulit ng una na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Samantala, mabilis namang isinugod sa nabanggit na pagamutan ang biktimang si Andrada matapos masapul ng ligaw na bala sa kanang kamay.

Sinasabing naka-civilian ang suspek nang maganap ang krimen kaya’t hindi kaagad natukoy na isa itong pulis. Ngunit kalaunan ay may isang saksi na nakakilala rito kaya natukoy na isa itong alagad ng batas.