Isa na namang pulis ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Quezon City habang sakay ang biktima ng minivan na minamaneho ng kanyang misis nitong Biyernes nang gabi.

Naganap ang pamamaslang makalipas ang ilang oras matapos na mapatay sa halos katulad din na insidente ang isang pulis sa Taguig City Biyernes nang madaling-araw.

Kinilala ni Chief Inspector Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima na si Inspector Romeo Nicolas Tandas, 49–anyos at nakatalaga sa District Tactical Ope­ration Unit.

Sinundo umano si Tandas sa Camp Kari­ngal ng kanyang misis na si Marissa at habang sakay na sila ng Toyota Avanza ay biglang sumulpot ang riding-in-tandem pagdating nila sa panulukan ng Commonwealth Avenue at University Lane sa Brgy. UP Campus.

Umarangkada sa kanang bahagi ng unahan­ ng sasakyan nila ang tandem at saka niratrat ang target na pulis.
Naisugod pa si Tandas sa Diliman Doctors Hospital pero idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Gretchen Pa­nganiban dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Masusing pinaiimbes­tigahan ni QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang insidente.