Pulis-QC pa, patay sa shootout

Isa pang pulis-Quezon­ City na may kasong robbery ang nasawi makaraang mabaril ng mga kabaro nang manlaban umano habang isinisilbi sa kanya ang warrant of arrest kamakalawa ng gabi.

Sa ulat kay Quezon City Police District acting director Sr. Supt. Guil­lermo Lorenzo Elazar ng Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang napatay na pulis na si PO1 Levi De Vera y Valiente, 37-anyos.

Ayon kay Eleazar, may warrant of arrest si De Vera sa kasong robbery na isisilbi sana sa kanya ng mga elemento ng District Special Operation Unit.

Sa imbestigasyon ni PO2 Anthony Tejerero na dakong alas-9:05 nang mangyari ang insidente sa tapat ng bahay ni De Vera sa No. 308 Looban Macaya St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Nagpakilalang mga pulis ang grupo na pinamunuan ni Inspector Danilo Songalia at sinabi ang kanilang pakay saka tinangkang lapitan si De Vera subalit bumunot umano ito ng baril at pinaputukan sila.

Gumanti naman ng putok ang grupo nina Songalia at tinamaan si De Vera. Isinugod pa ito sa Quezon City Gene­ral Hospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa tainga­ na tumagos sa kanang mukha at sa kanang braso.

Narekober din sa kanya ang dalawang baril na caliber .45 at caliber .38, apat na basyo ng bala at isang plastic sachet ng shabu.