Todas ang isang pulis na kinilalang si PO1 Ramil Rodriguez matapos na pagbabarilin ng tatlong suspek sa kanyang tahanan sa Sitio Crossing Ibaba, Brgy. Malabanban Norte, Candelaria, Quezon kamakalawa ng gabi.

Subalit bago namatay ay nagawa pang barilin at mapatay din nito ang isa sa mga hindi pa nakikilalang suspek.

Batay sa report ng Candelaria Police, alas-otso ng gabi, nasa tahanan ang biktima ng pasukin ito ng tatlong suspek na armado ng maiiksing baril at pagbabarilin ang biktima na nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa kabila ng sugatan, nakuha pa ng biktima ang kanyang baril at nabaril ang isa sa mga suspek.

Kapwa nasawi ang dalawa sa pinagyarihan ng krimen samantalang tumakas ang dalawang suspek.