Pulis sa checkpoint sinalpok ng kotse

Sugatan ang isang pulis nang mabangga ng isang kotse habang isinasailalim sa thermal scanner ang mga dumaraang motorista sa isang checkpoint sa Sampaloc, Maynila Biyernes ng gabi

Nakaratay ngayon sa Chinese General Hospital ang biktimang si Corporal Charlton Jay Estavillo, imbestigador ng Manila Police District-Station 4 dahil sa tinamong pinsala sa katawan.

Pinigil naman sa tanggapan ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang nakasagasang driver na si Philip Anthony Ipapo na taga-Pasay City.

Nabatid na bandang alas-otso ng gabi nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Espana Boulevard at Blumentritt sa Sampaloc,

Nalaman na isinasailalim sa thermak scanning ng grupo ng mga pulis sa Sampaloc ang mga dumaraang motorista sa nasabing lugar nang biglang bumagsak ang biktima matapos itong mahagip ng Toyota Vios na minamaneho ni Ipapo na patungo sa Quiapo.

Katuwiran naman ni Ipapo na hindi niya napansin ang biktima sa kabila ng maliwanag naman sa lugar.

Ikinalungkot ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas ang sinapit ng biktima at pinaalalahanan ang publiko na bagalan ang pagpapatakbo ng sasakyan kung alam na malapit na sa checkpoint.

Tiniyak ni Sinas na magkakaloob ang NCRPO ng medical assistance na kakailanganin ni Corporal Estavillo. (Juliet deLoza-Cudia)