Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad para maaresto ang isang pulis na nakatalaga sa Caloocan City na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang mag-asawa at isa nilang anak sa Quezon City noong Biyernes nang mada­ling-araw.

Pinagbabaril ng suspek na si PO2 Jerry Antonio ang mag-­asawang Romeo Catalan Ado Sr., 54, at Christine Dela Peña Ado, 48, pati na ang kanilang anak na si Romeo Jr., 12-an­yos, habang natutulog ang mga biktima sa loob ng bahay ng mga ito sa Alpha Madrigal St., Adelina Farm, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City dakong ala-1:35 nang madaling-araw.

Nakaligtas sa pamamaril ang tatlong taong gulang na apo ng mag-asawang­ Ado.

Samantala, posible umano na may kinalaman sa iligal na droga ang nangyaring masaker sa pamil­ya Ado dahil nakakuha ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ng kulay pulang pouch na nakakabit pa sa beywang ng biktimang si Christine.

Naglalaman umano ang pouch ng dalawang plastic sachet ng hindi pa mabatid na gramo ng shabu, isang disposable lighter at palara.

Pero iniimbestigahan pa rin ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District kung gumagamit ng droga o nagtutulak ang mag-asawa.