Pulis sa viral video pinaimbestigahan ni Sinas

Inihayag kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi pa maaaring husgahan ang nag-viral na insidente ng pagmumura at pagbabantang babarilin ng isang opisyal ng Manila Police District (MPD) ang mga lumalabag sa enhanced community quarantine sa Golden Mosque compound sa Quiapo, Maynila.

Sinabi ni NCRPO director Major General Debold Sinas na ang kumakalat na video sa social media kaugnay sa ipinatutupad na enhanced community quarantine ni Manila Police District-Station 3 chief Colonel Reynaldo Magdaluyo ay “partial scene” lamang at hindi kabuuang scenario.

Dahil dito, inatasan na ni Sinas si MPD director Colonel Rolando Miranda na paimbestigahan ang pangyayari upang matukoy kung may nilabag na karapatang ng mga mamamayan.

“My instruction to my men is clear and unequivocal that despite the stringent implementation of policies relative to the community quarantine, due respect for the rights of our citizens must always be observed,” ani Sinas.

Muling nakiusap si Sinas sa publiko na sumunod at makiisa sa ipinatutupad na guideline ng pamahalaan kaugnay sa enhanced community quarantine upang huwag nang kumalat pa ang COVID-19.(Armida Rico)