Matinding takot ang namayani nitong Sabado de Gloria sa mga residente ng Brgy. Krus na Ligas sa Quezon City makaraang tila sinaniban umano ng demonyo ang isang pulis at walang habas na nagpaputok ng baril sa kanilang lugar.
Naaresto ng mga rumespondeng kabaro ang suspek na kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Guillermo Eleazar na si PO2 Dominic Adao Cebreros, 31-anyos, may asawa, nakatalaga sa QCPD Station 8 (PS8), at residente ng No. 106 Fulgencio St., Sitio Limbak, Barangay Krus na Ligas.
Batay sa reklamo kay PO2 Roldan Cornejo ng Criminal Investigation Unit, ng mga kapitbahay ng pulis na nakilalang sina Eunice Borga, Glen Balenzoga, Erlinda Gornez at Mark Anthony Macabidang, nagpapahinga at nagninilay-nilay sila sa loob ng kanilang mga tahanan nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.
Lumabas sila para mag-usisa kung saan nanggagaling ang mga putok ng baril at doon nakita nila si PO2 Cebreros na tila demonyo umano na walang habas na nagpapaputok ng kanyang baril.
Agad namang rumesponde ang mga Barangay Police Security Officer ngunit dahil sa takot na baka sila ang mapagbalingan ng nagwawalang pulis ay minabuti nilang i-report ang insidente sa himpilan ng pulisya.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis ngunit pagdating nila sa lugar ay nakatakas na si PO2 Cebreros.
Dahil dito, inatasan ni Eleazar ang kanyang mga tauhan na tugisin at arestuhin ang pasaway na pulis.
Mahaharap sa kasong alarm and scandal at indiscriminate firing si PO2 Cebreros kapag naaresto ng kanyang mga kabaro.