Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang dalagang Iranian national na matapos magwala at bitbitin sa presinto ay pinagsisigawan nito, sinuntok, sinipa at pinaso pa ng sigarilyo sa braso ang isang pulis kamakalawa sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Mga kasong alarm and scandal, direct assault, disobedience upon person of authority at slight physical injury ang isinampa laban sa suspek na si Fereshteh Najafi Marbouyeh, 31, dalaga, Iranian National at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Sto. NiƱo Puerto Galera matapos nitong pagsisigawan, sapakin, sipain at pasuin ng sigarilyo ang braso ni PO2 Ferr Henrick, 33, nakatalaga sa Puerto Galera Municipal Police Station (MPS).

Sa ulat ng pulisya, alas-tres ng madaling-araw kamakalawa nang rumesponde sila sa isang tawag hinggil sa pagwawala ng suspek sa isang bar sa Brgy. Tabinay na agad naman nilang nadala sa presinto.

Pagdating sa himpilan, naging bayolente ang dalagang banyaga.

Binulyawan nito ang mga pulis sa presinto dahilan upang awatin siya ni PO2 Henrick.

Imbes na mapayapa ay lalong nagwala ang dalaga sabay suntok at sipa kay PO2 Henrick. Hindi pa nasiyahan, idinutdot pa nito sa kaliwang braso ng pulis ang hawak na may bagang sigarilyo.

Dito na tinuluyan ng pulis na ipasok sa selda ang dalaga na nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso.