Pulis sinuhulan ng dalaga, tinimbog

timbog

Inaresto ng pulisya ang isang dalaga makaraang tangkaing suhulan ng P5,000 ang isang pulis para mapalaya ang dalawang lalaki na nahuli sa iligal na sugal, kahapon nang madaling-araw sa Makati City.

Nahaharap ngayon sa kasong Corruption of Public Official ang suspek na si She-na Pasaque Salvador, 30-anyos, nakatira sa No. 1381 Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat ng Makati City Police, ala-1:00 nang madaling-araw nang magtungo sa Police Community Precinct (PCP)-2 sa may Casino St., Brgy. Palanan si Salvador at kinausap si PCpl Andrew Amante.

Inalok ni Salvador si Amante ng P5,000 para palayain sina Charlene Cortez at Jojo Istinor na nadakip ng mga pulis dahil sa pagsusugal ng dice (Illegal Gambling) at makuhanan ng patalim (BP 6 Illegal Possession of Deadly Weapon).

Naaresto ang dalawa nitong Enero 5 sa may Davila St., Brgy. Palanan.
Hindi pinagbigyan ni Amante ang suspect sa alok nito at sa halip ay agad na pinosasan at ipinatupad ang pag-aresto nang basahan siya ng Miranda Doctrine. (Armida Rico)