Susuportahan at ipagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at sundalong umaresto sa grupo ni dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo sa Davao del Norte.

Ito ang tiniyak ng Pangulo sa harap ng pahayag ng kampo ni Ocampo na irereklamo nila sa Office of the Ombudsman ang mga pulis at sundalong umaresto sa kanila noong nakalipas na linggo.

“I will defend my soldiers and my policemen for sure because I think they are right. Otherwise, I would have called their attention and stopped them,” anang Pangulo.
Inilagay aniya ng grupo ni Ocampo sa panganib ang buhay ng mga batang kinuha sa eskuwelahan ng mga Lumad para ilipat sa ibang lugar.
Kung nagkabarilan aniya noong Miyerkoles ay tiyak na nalagay sa peligro ang buhay ng mga batang dala-dala nina Ocampo.
Sinabi pa ng Pangulo na huwag ikatuwiran ni Ocampo na iniligtas nila ang mga bata dahil nabuko na ang mga ito kaya tama na aniya ang bolahan.