Nasawi ang isang pulis makaraang barilin ng riding-in-tandem habang nagsasagawa ng surveillance operation sa serye ng robbery-holdup sa ilang pawnshop sa Taguig City kahapon nang madaling-araw.
Sa isinumiteng report kay Taguig City Police chief Sr. Supt. Alexander Santos, bukod sa tama ng bala sa kanang balikat ay inatake din sa puso ang biktimang si PO1 Rodeo Taccaban Rodeo nang maganap ang pamamaril sa kanya.
Nabatid na nakatalaga sa Intelligence Section ang 35-anyos na biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ang biktima habang nagsasagawa ng surveillance sa harapan ng Gawad Kalinga, Phase 1, Brgy. Pinagsama, Taguig City dakong alas-2:10 nang madaling-araw matapos makatanggap ng impormasyon na muling sasalakay ang isang robbery-holdup group.
Biglang sumulpot ang dalawang lalaking suspek na magka-angkas sa walang plakang motorsiklo, isa sa mga ito ang bumunot ng baril at pinutukan ang biktima.
Duguang bumulagta ang biktima at namatay noon din habang mabilis namang umeskapo ang riding-in-tandem.
Dinala ang bangkay ng biktima sa punerarya para isailalim sa autopsy at nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon ang Taguig City Police para matukoy ang mga suspek at ang motibo ng pamamaslang kay PO1 Rodeo.