Bumulagta sa loob ng isang restaurant ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Mindanao nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.
Idinekarang dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si PSSg. Roel Orihuela y Gohetia, taga-No. 118 P. Zapanta St., Singalong, Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PSMS. Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas-8:45 ng gabi sa loob ng Arjurie Restaurant sa no. 2547 Arellano Avenue corner Don Pedro St., Malate.
Abala umano sa panonood ng telebisyon sa loob ng nasabing restaurant ang biktima nang biglang dumating ang dalawang lalaki at pinaulanan ng bala ang biktima.
Nang bumulagta ay nagmamadaling binalikan ng mga salarin ang isang motorsiklong ipinarada ‘di kalayuan sa lugar at humarurot papalayo.
Kaagad naman isinugod ni Ariel Orihuela, kapatid ng biktima sa Ospital ng Maynila ang biktima kung saan idineklara itong dead-on-arrival dahil sa dami ng tinamong mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa nakuhang impormasyon, nare-assign umano sa Mindanao ang biktima at kaya lang umano ito nagtungo sa Maynila ay upang lakarin na maitalaga muli sa Maynila.
Inaalam naman ng pulisya ang posibleng motibo ng krimen. (Juliet de Loza-Cudia)