Hawak na ng Olongapo City Police Office (OCPO) ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan na (Mazda pickup) na ginamit ng hindi pa nakikilalang suspek sa panggagahasa sa 19-anyos na babaeng taga-Olongapo City.
Sa beripikasyon ng Land Transportation Office (LTO), nakapangalan sa isang Virginia Sanares na taga-31 Marulas St., Kawit, Cavite ang plate number (REC 324) na nakuha ng biktimang si Mildred (hindi tunay na pangalan) nang isakay umano siya ng lalaking suspek subalit sa halip na ihatid sa kanyang inuuwiang bahay sa isang barangay sa Olongapo City ay idiniretso umano siya pa-Maynila.
Nakarating umano sila sa isang bakanteng bahay sa Las Piñas at doon siya pinagsamantalahan ng dalawang beses. Hindi umano nagawang makapanlaban ng biktma matapos suntukin siya sa tiyan ng suspek.
Samantala, nakatakda namang hingin ng pulisya ang kopya ng closed circuit television (CCTV) ng isang establisyemento kung saan unang nakita ng biktima ang suspek bago ito nagpakilala na kanyang ka-chat sa Facebook.