Patay ang isang palaboy matapos masagasan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) kaninang umaga sa Tondo,Maynila.

Kinilala ng Manila Police District-Police Station 7 ang biktima sa alyas na ‘Antonio’, isang pulubi at tinatayang nasa edad 40 hanggang 50.

Naganap ang insidente dakong alas-8:10 ng umaga sa riles ng tren sa may Tayuman at Dagupan Extension,Tondo,Maynila.

Ayon sa pahayag ng testigong si Jonjon Sevilla, 36, dating barangay kagawad sa lugar, nakita niya ang biktimang nakatayo sa harapan ng crossing cabin at nakaharap sa paparating na tren.

Nang papalapit na ang tren, bigla umanong dumapa ang pulubi sa riles at umilalim ito sa tren.

 “Hinintay niya talaga bale ‘yung pagdaaan ng tren. Saka siya dumapa,” ayon sa saksi.

Dinala ang bangkay ng pulubi sa Saint Rich Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.