Pulubi nangharang, nambato ng sasakyan sa Edsa

Kumalat sa social media ang video na kuha ng isang motorista na hinarang ng isang lalaki na nanghingi umano sa kanya ng limos, ngunit nang tumanggi ang babaeng driver na magbigay ng P100 ay nagalit ang huli at binato pa ang kanyang sasakyan habang nasa kahabaan ng Edsa sa Mandaluyong City.

Sa Facebook post ni Mane Teodoro, kinuwento nito na nangyari ang insidente alas-5:10 Martes nang hapon, kita sa video na biglang sumulpot ang lalaki sa harapan ng kanyang sasakyan at naghingi umano ng pera,

Dahil hindi umano­ nagbigay si Teodoro ay pinukpok ng lalaki ang kanyang windshield gamit ang hawak nitong bato at ginasgasan din ang pinto ng kotse nito.

Nakakita naman umano ng tauhan ng Metropolitan Manila Develop­ment Authority ang motorista at sinumbong ang pangyayari. Wala pa umanong tatlong minuto ay may isa ring babaeng driver ang lumapit sa awtoridad at nireklamo rin ang kaparehong sitwasyon.

Nang puntahan naman umano ng mga tauhan ng MMDA ang lugar kung saan nakita ang lalaki ay nakatakas na ito at nakita na lamang ang bote na naglalaman ng solvent na posible umanong ginamit ng pulubi.

Payo ng mga awtori­dad, kapag naranasan ang ganitong sitwasyon ay ipagbigay-alam ito sa kanilang opisina o bumusina nang malakas upang makakuha ng atensyon.