Patay nang matagpuan sa ilalim ng ‘ten tons trailer’ ang isang lalaking pulubi na ­hindi umano umiimik kahit na kausapin, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Inilarawan ni PO3 Ryan Jay Balagtas, im­bestigador, ng Manila Police District-Homicide Section ang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng puting t-shirt at gray na maong pants na nasa edad na 50 hanggang 55. Nakita ito sa Aleson, Tracking Compound, Road 10 (Northbound), Smokey Mountain, Tondo, Maynila.

Napag-alaman na dakong alas-otso ng umaga nang makita ang biktima sa ilalim ng ten tons trailer.

May dalawang linggo na umanong nakikita ni Hansel Seguerra Bocboc, 37, at stay-in parking security ng Aleson, Tracking Compound ang natu­rang pulubi sa lugar at hindi ito nagsasalita o sumasagot kapag kinakausap.

Hahatiran sana ni Boc­boc ng pagkain ang biktima nang madiskubre niyang wala na itong buhay.

Walang pisikal na sugat ang biktima maliban sa namamaga nitong mga binti.

Dinala naman sa Archangel Funeral Parlor ang biktima para sa awtopsiya.