PUM sa Pangasinan 20K na

Bagama’t nananatiling coronavirus disease 2019 (COVID-19)-free ang lalawigan ng Pangasinan, patuloy namang tumataas ang bilang ng mga Persons Under Monitoring (PUM) o taong inoobserbahan dulot ng virus.

Sa ngayon ay umabot na sa halos 20,000 ang bilang ng PUM. Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office (PPHO), pumalo na sa 19,478 ang bilang ng mga PUM o mga taong inoobserbahan ng Department of Health (DOH) dahil sa pagkakaroon ng travel history sa mga lugar o nakasalamuhang mga tao na apektado ng COVID-19.

Nasa ilalim pa ng 14 days quarantine ang 19,300 sa mga ito habang 30 sa mga ito ay nakatapos na.

Base sa report ng PPHO, pinakamarami sa mga PUM ay mula sa bayan ng Bayambang na mayroong 1,303; Bugallon na mayroong 1,098. Sinundan naman ito ng mga bayan ng Mangatarem 1,039, bayan ng Malasiqui na may 952 at ika-lima ang bayan ng Urbiztondo na mayroong 895 PUM. (Allan Bergonia)