Pumalag na most wanted, todas

Patay ang tinaguriang top 3 most wanted ng Manila Police District (MPD) nang magtangkang lumaban sa pinagsanib na tauhan ng MPD at Pangasinan Police habang isinisilbi ang warrant of arrest kahapon ng umaga sa Dagupan City, Pangasinan.

Namatay noon din ang biktimang si Dante Alvear, nasa hustong edad at Leader ng Balong Drug Group.

Sa incident report ni PMaj Rosalino Ibay, hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), naganap umano ang insidente alas-8:15 ng umaga sa No. 489 Longos St., Brgy Bonuan Boquig, Dagupan City, Pangasinan.

Nabatid kay Ibay na nakatakda umano nilang isilbi ang warrant of arrest kasama ang mga operatiba ng Pangasinan police nang makatunog ang suspek sa pagdating ng mga awtoridad.

Sa halip na sumuko, kaagad nitong pinaputok ang kanyang baril sa grupo ng mga pulis dahilan para gumanti si PCPL Bismark Somera at tinamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Narekobèr sa posisyon ng suspek ang isang .45 kalibre ng baril, apat na sachet ng marijuana at isang granada.

Ayon sa impormasyon ng pulisya, si Alvear alyas Balong ay lider ng isang drug group na nag-ooperate sa Maynila at umano’y responsable sa serye ng pagpatay sa lugar kabilang na sa isang Barangay Kagawad at dalawang pulis ng MPD. (Juliet de Loza-Cudia)