Pumalag sa pulis, 2 karnaper bulagta

Duguang bumulagta ang dalawang hinihinalang karnaper na tulak ng iligal na droga nang pumalag at makipagbarilan sa mga aarestong awtoridad sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Ang mga ‘di pa nakilalang mga napatay na karnaper ay tinatayang nasa edad 40-45; may mga taas na 4’10 at 5’4, payat at katamtaman ang panga­ngatawan, naka-striped polo shirt, blue t-shirt, itim na jacket, checkered short pants, black ball cup.

Sa ulat ni P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6, ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at ng kaniyang mga operatiba sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa bakanteng lote sa Manahan Subd., Payatas Road, Brgy. Payatas-B, QC.

Una dito ay nakatanggap ng tawag sa 911 code 2202 ang Tactical Operation Center ng Quezon City Police District kaugnay sa kahina-hinalang kilos ng dalawang lalaki na paikot-ikot at tila may minamar­tilyo sa bakanteng lote at naiingayan ang mga naninirahan sa subdibisyon.

Agad namang rumes­ponde ang mga operatiba ng SDEU sa pamumuno ni P/Chief Insp. Sandie Caparroso sa bakanteng lote at naabutan pa ang mga suspek.

Nang mamataan naman ang mga papalapit na pulis ay agad na nagpaputok ng ang mga suspek kaya gumanti na rin ang mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay miyembro ng carnapping syndicate at nagtutulak pa ng shabu sa bisinidad ng Payatas-B.

Nasamsam sa crime scene ang pulang Suzuki Skydrive, Honda Beat, dalawang .38 kalibre ng baril at 8 sachet ng shabu.