Dahil sa pagpalag sa kakapusan umano ng supply ng iligal na droga na ibinibenta ay ginulpi at pinagsasaksak ng dala­wang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang drug user na kanilang parokyano nang magkapikunan ang mga ito matapos na kulang ang ibi­gay na droga ng mga huli sa una sa lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng gabi.

Agaw buhay nga­yon ang biktimang si Ronald Serafin, 22, helper, ng Brgy. Maysan ng nasabing lungsod habang pinaghahanap ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na Poldo at Mako mga residente ng El Gwapo St. ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ng V­alenzuela City Police, ganap umanong alas-9:40 ng gabi nang magkasundong magkita ang biktima at mga suspek sa tulay ng El Gwapo St. ng nasabing lugar upang bumili ang biktima ng halagang P200 na shabu. Sandaling umalis ang dalawa at nang makabalik ay P100 lang ang naibigay ng mga suspek.

Bagama’t ibinalik sa kanya ang halagang P100 pang sobra sa bayad ay kinuwestiyon ng biktima kung bakit P100 lang na shabu ang ibinigay sa kanya. Nangatwiran naman umano ang mga suspek na nagkakaubusan na ng supply ng shabu .

Doon na pabalang na sumagot ang biktima ng “Sige! Tao naman kayong kausap e!” na hindi nagustuhan ng mga suspek kaya pinagtulungan nilang gul­pihin ang biktima. Doon na naglabas ng patalim ang isa sa mga suspek at pinagsasaksak ang biktima.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspek habang kahit na duguan ay nakahingi ng saklolo sa mga nagpapatrolyang barangay tanod ang biktima at naisugod sa nasabing pagamutan.