Kaye Dacer
Dear Ms. Kaye Dacer,
Nais ko pong humingi ng tulong sa inyo tungkol sa aking pinsan na nagtayo ng negosyo gamit po ang pangalan ng aking yumaong ama.
S’ya po ay nagtrabaho sa aking ama bilang isa sa kanyang mga assistant sa opisina. Ito po ay isang pagawaan ng papel. S’ya po ay nag-resign sa aking ama after 3 years.
Sa madaling salita, noon pong namatay ang aking ama ay nagtayo po s’ya ng negosyong kagaya ng aking nasirang ama at pinalalabas po n’ya na s’ya ang nagpapatuloy ng naiwan ng aking ama.
Dahil po doon sa kanyang pagkopya ng negosyo ng aking ama ay mayroon pong mga kliyente ang aking ama na nagtitiwala sa kanya at sa kanya po nakikipagnegosyo.
Masakit lang po sa akin na totoong anak na nagagamit po ang pangalan ng aking ama ng wala po s’yang kaalam-alam dahil wala na po s’ya sa mundong ito.
Masakit din po sa akin na para pong walang respeto sa aming pamilya na basta na lamang gagamitin ang pangalan ng aking ama na hindi man lamang po nagpapaalam sa amin.
Alam ko po na pinsan din namin s’ya pero wala po s’yang respeto sa amin lalong-lalo na sa yumao naming ama. Sana po Ma’am Kaye ay matulungan n’yo kaming makahanap ng solusyon dito at sana po ay may paraang ligal para mahinto ang kanyang paggamit ng pangalan ng aking ama na mayroon po kaming mga katibayan sa kanyang Facebook account.
Mary
Kung pag-uusapan natin ay usaping moral ay hindi maganda ang ginawa ng iyong pinsan. Isa itong kawalan ng respeto sa iyong ama lalo na sa pamilya na naiwan. Kawalan ito ng delikadeza at respeto sa yumao at sa kanyang pamilya.
Maipapayo ko na kausapin mo ang iyong pinsan para ipaalam sa kanya na ang paggamit n’ya ng pangalan ng iyong ama ay hindi n’yo nagugustuhan. Maaari kang kumunsulta sa isang abogado para sa isang legal advice.