Blangko pa rin hanggang sa kasalukuyan ang Philippine Embassy sa Kuwait kung sino ang pumatay sa Pinay household worker na si Ma. Constancia Lago Dayag.
Ayon kay Charge d’affaires Mohd. Noordin Pendosina Lomondot, nakausap na ng mga awtoridad ng Kuwait ang 60-anyos na employer ni Dayag pero wala pang nakuhang impormasyon kung sino ang may kagagawan ng krimen.
Nabatid na nakipagkita rin si Lomondot sa mga opisyal ng Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait para humingi ng tulong na mapabilis ang paglalabas ng forensic report sa kaso ni Dayag.
Hanggang sa kasalukuyan ay hinihintay pa ng pamahalaan na ilabas ang forensic report ng Criminal Investigation Division ng Kuwait.
Samantala, sinabi ni Lomondot na maaaring maiuwi na ang mga labi ni Dayag sa Pilipinas sa loob ng dalawang araw.
Sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastos para maiuwi ang mga labi ni Dayag sa kanilang bayan sa Isabela.
Nauna rito ay tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsampa na sila ng kasong kriminal kaugnay sa pagkamatay ni Dayag.
Dineklarang dead on arrival si Dayag sa Al-Sabah Hospital noong Mayo 14. Nakitaan ang kanyang bangkay ng mga palatandaan na minolestiya rin ito.
Ayon sa DFA, unang nagtrabaho si Dayag bilang household service worker sa Kuwait noong Enero 2016 at bumalik noong 2018 para sa pangalawa niyang kontrata sa kanyang Kuwaiti employer. (PNA)