Pumuslit ng corned beef sa convenience store dinakma

Kulungan ang bagsak ng isang 29-anyos na lalaki matapos mabuking sa pangungulimbat ng mamahaling corned beef sa 7/11 convenience store sa Barangay Buting, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek na si Rico Alincastre, residente ng lungsod matapos mabuking ang pagnanakaw ng anim na piraso ng Palm corned beef (326g) at apat na Hereford corned beef (340g) na nagkakahalaga ng P2,330.00.

Inaresto ang suspek alas-7:20 Biyernes ng gabi sa loob ng 7-Eleven Store na matatagpuan sa San Guillermo St., Brgy. Buting, Pasig City matapos magsampa ng reklamo si Larry Sinlao, 47, supervisor ng nasabing tindahan.

Ayon sa imbestigasyon ng Pasig Police, napansin ng store clerk ang kahina-hinalang pagpasok ng suspek at nakita pa nila mula sa closed-circuit television (CCTV) monitor na nagsisilid ng de-lata ang suspek sa kanyang bag at nang aktong papalabas na ay doon na sinita ang suspek at nakita sa loob ng kanyang bag ang mga de-latang corned beef. (Vick Aquino)