Dear Dream Catcher,

Ako po ay taga-Batangas at napanaginip ko pong pumutok daw uli ang Bulkang Taal. Sa panaginp ko, nandun­ lang ako sa bahay namin pero naabot daw po ang bahay namin. Sa totoo po ay napakalayo naman namin sa bulkan, wala na po kami sa danger zone pero sa panaginip ko po ay umabot daw sa bubong ng bahay namin ang malaking­ bato na galing sa bulkan. Nabu­tas daw po ang bubong namin kaya galit na galit daw ako sa mister ko dahil sabi nya raw dati ay hindi kami aabutin pero ina­bot kami. Kaya po sa panaginip ko ay inaaway ko pa raw ang mister ko dahil nabutas ang bubong namin.

Rina

Dear Rina,

Ang iyong panaginip ay hindi na dapat hanapan ng anumang simbolismo. Dahil ito’y dala lamang ng iyong pag-aalalala at dahil na rin sa araw-araw na balita sa aktibidad ng bulkan. Ang iyong panaginip ay epekto lamang ng mga nangyayari sa iyong paligid.

Ang nabutas na bubong ay maaaring representasyon ng seguridad ng iyong pamilya na normal sa iyong sitwas­yon dahil kahit wala ka sa danger zone ng bulkan, naroon ka pa rin sa probinsyang sumasakop sa Bulkang Taal kaya nasa likod ng iyong isip ang takot na kung magkaroon nga ng malaking pagsabog ay hindi maiiwasang maapektuhan ang seguridad ng iyong pamilya.

Gayunpaman, kung nagkataong walang naging aktibidad ang bulkan at ikaw ay nanaginip ng ganyan, ang sinisimbolo ng bulkan ay matinding emosyon tulad ng galit at paghihiganti. Kadalasan ang panaginip tungkol sa bulkan ay nangyayari kapag ang isang tao ay masyadong stressed o puno ng tensyon. Tulad ng magma na tumitindi sa ilalim ng bulkan, maikokonek ito emosyon na kinikimkim sa kalooban ng nanaginip.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general­ information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.