Pupil nilamon ng pool

Hindi na lumutang pa mula sa ilalim ng pool ang batang lalaki matapos mag-swimming kasama ang ilan niyang menor de edad ding mga pinsan sa isang resort sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay si John Rex Billones Azarcon, 11-anyos, grade VI student at taga-6440 Kayomito St., Camarin, Caloo­can City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap alas-10:30 ng gabi (Disyembre 29), sa Acqua Boy Resort sa No. 10 Oriole St., Zabarte Subd., Brgy. Kaligayahan, QC.

Ayon sa pulisya, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang mga menor de edad ding pinsan sa nasabing resort para mag-bonding at maglibang gamit ang pe­rang napamaskuhan.

Nang magutom ay umahon na umano ang magpipinsan upang kumain muna subalit napansin nila na nawawala si Azarcon.

Halos ilang minuto na umanong nilibot ng magpipinsan ang buong resort subalit hindi nila mahagilap ang biktima kaya humingi na umano ang mga ito ng saklolo.

Agad namang sumisid sa pool ang isang Richard Galindez, at sa ilalim ay nakita ang bata na nakalubog kaya mabilis niyang iniahon at dinala sa Commonwealth Hospital suba­lit idineklara na siyang dead-on-arrival. (Dolly Cabreza)