Kahit P80 lang ang halaga ng kinain ng isang merchandiser sa loob ng pinapasukan nitong sangay ng Puregold na pag-aari ng Chinese-Filipino businessman na si Lucio Co, hindi pa rin siya pinatawad ng kanyang mga opisyal sa nasabing supermarket.

Halos 12 araw na sa kulungan ang 31-anyos na si Juaquin Edilberto, residente ng No. 11503 Phase 6, Camarin, Caloocan City, matapos ipakulong noong Pebrero 11, 2018 sa kasong qualified theft.

Nahuli kasi siya sa akto ni Mariano De Los Santos, officer-in-charge ng sangay ng Puregold na matatagpuan sa Barangay Paso De Blas, Valenzuela City habang kumakain ng cupcake sa loob ng supermarket dakong alas-12:15 ng tanghali noong Pebrero 11.

Nagmakaawa umano si Edilberto na patawarin na siya at huwag ng ipakulong pero hindi siya pinakinggan at idiniretso sa himpilan ng pulisya saka kinasuhan.

Mahirap lang ang pamumuhay ni Edilberto kaya hirap din ang kanyang mga kaanak na makahanap ng perang gagamitin para mapiyansahan siya upang pan¬samantalang makalaya.

Ayon sa nakausap ng Abante Tonite sa mga pulis-Valenzuela, mahigpit daw talaga ang pamunuan ng Puregold sa mga nagsa-shoplift sa nasabing supermarket dahil hanggang dulo ay dumadalo sa court hearing ang kanilang kinatawan para tapusin ang kaso.

“Matindi ‘yang Puregold talagang tutuluyan ka kahit na napakaliit na halaga ng dinekwat mo sa kanila,” sabi ng isang pulis na tumangging banggitin ang kanyang pangalan para sa report na ito.

Ayon pa sa mga pulis, ayaw umano ng pamunuan ng Puregold na maging ‘precedent’ ito para sa kanilang mga kostumer, kaya naman kahit konting halaga lang ang inumit, sa kulungan kaagad ang bagsak ng mga ito kapag nahuli.

Si Lucio Co ay kilalang ‘bata’ ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na inakusa¬hang sangkot sa smuggling.