Sa panahong ito, nakakayabang na isa akong Pinoy.
Kahit na ano pang puna at pagwawakwak ang gawin ng ilang kritiko ng administrasyong Duterte, aminin na lang nila na kahit sila ay may kaunting yabang sa katawan ngayon dahil sa patuloy na pag-arangkada at paghakot ng ginto ng mga atletang Pinoy sa iba’t ibang palaro sa idinadaos na 30th SEA Games sa bansa.
Inspirado kasi ang mga atleta natin dahil alam nilang todo ang suporta sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
At kung gaano katapang at katindi ang paninindigan ng Pangulo sa porma ng kanyang liderato ay siya namang baba ng kanyang loob sa paghingi ng sorry kung alam niyang may sablay sa kanyang pamamahala.
Kasama ng Pangulo si House Speaker Alan Peter Cayetano sa paghingi ng sorry sa nangyaring aberya sa paghahanda ng bansa sa pagdaraos ng 30th SEA Games.
First time ito nangyari kaya naman humanga si Olympic Council of Asia (OCA) vice president Wei Jizhong sa kababaang-loob ng ating Presidente.
Kung tutuusin nga naman ay normal ang mga nangyayaring aberya sa mga malalaking event tulad kahit saang dako pa ito ng mundo gawin.
Sobrang ganda ang opening ceremony ng SEA Games kaya naman mismong si Jizhong ang nagsabi na handa na ang Pilipinas sa pagho-host ng mas malalaki pang sports event.
Heto pa ang tiyak na ikalalamukos ng mukha ng mga kritiko ni Pangulong Duterte – dahil sa tuwa ni Jizhong ay inimbitahan niya at hinikayat ang ating mga opisyal na subukang mag-bid para sa hosting ng Asian Games na gaganapin sa taong 2030.
O ‘di ba, winner na naman? Kaya ‘yung mga walang sawa sa pagpuna at pambabaligtad sa mga bagay na dapat namang purihin, mag-move-on na kayo.
‘Yung sa totoo lang tayo. Purihin kung karapat-dapat, punahin kung kailangan.
Hindi rin naman sa pagmamayabang, kayang-kaya na ng Pilipinas na magdaos ng Asian Games dahil di hamak na pang olympic ang kalidad ng mga bagong gawa na sports venues natin gaya ng stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac na hinangaan din ni Jizhong.
Salamat kay Jizhong. Marunong kasi siyang kumilala sa pagsisikap ng ating bayan para maidaos nang mahusay ang 30th SEA Games.
Nakakatuwa at nakakayabang na maging Pinoy hindi ba? Sana naman ay magising na ang mga kritiko ng SEA games at aminin nilang bilang lahing Pilipino, hindi tayo madaling ibagsak ng mga negatibong usapin. Iba ang Pinoy. Kahit saan, aangat ang dangal, tatag at dignidad ng mga atletang Pinoy.