Napatay sa loob ng sinasakyang tricycle ang sinasabing high value target sa drug watch list ng Sto. Tomas, Batangas at nasugatan ang asawa nito nang ratratin pasado alas-12 ng tanghali kamakalawa.

Batay sa ulat ng Sto. Tomas Municipal Police Station, sakay ng trike ang mag-asawang sina Mario Villegas y Guevarra, 50, at Mercy Villegas y Balbuena, 51, mga residente ng Brgy. San Pedro, Sto. Tomas, Batangas, nang paputukan ng dalawang suspek na sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.

Agad nasawi si Mario dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan, habang nasapul sa likod ang misis nitong si Mercy. Masuwerteng hindi nadamay ang hindi pinangalanang drayber.

Anim na basyo ng bala ang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen.