TALAVERA, Nueva Ecija — Bumulagta ang isang hinihinalang drug pusher makaraang maka-engkuwentro noong Huwebes ng madaling-araw ang pinagsanib na puwersa ng Nueva Ecija Police Provincial Office, Provincial Special Operation Group (NEPPO, PSOG) at Talavera police sa kahabaan ng barangay road na nag-uugnay sa Bantug Hacienda at Bugtong na Buli rito.
Sa ulat ni P/Supt. Leo Novilla sa tanggapan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez, nakilala ang napatay na si Ronaldo Santos Cunanan, 26, construction worker, residente ng Brgy. Singalat, Palayan City.
Nabatid na dakong alas-4:30 ng umaga nagsasagawa ng OPLAN Sita patrol ang mga pulis dahil sa impormasyon ng presensiya ng mga carnapper/holdupper sa lugar.
Nang paparahin ang paparating na nakamotorsiklong suspek ay binilisan umano nito ang pagpapatakbo at dumiretso sa Brgy. Bugtong na Buli.
Nagkatugisan at doon napatay si Cunanan na nakunan ng isang homemade cal. 38 at isang pouch na naglalaman ng limang sachet ng hinihinalang shabu.
Bukod sa mga basyo ng bala nakarekober ang mga imbestigador ang mga shabu paraphernalia sa napaslang.