Nasawi ang isang drug pusher habang inaresto naman ang dalawa pang babae na kasama nito sa bahay sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Sta. Ana Hospital ang suspek na si Reynaldo Javier Jr., 34, mi­yembro ng Sputnik gang at taga-2564, Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila.

Dinampot naman sina Elaine Sevillana, 18, dala­ga, ng 1973 Estrada St., at si Zenaida Javier, alyas ‘Nida’, 57, kaanak nang napatay.

Ayon kay P/Supt. Jerry Corpuz, hepe ng Manila Police District (MPD)-Police Station 6 naganap ang insidente dakong ala-una ng madaling-araw sa bahay ng suspek.

Ikinasa ang buy-bust operation laban sa suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng ilegal na droga ang suspek.

Umaktong poseur buyer si PO3 Cyrel Lucena at bumili ito ng hala­gang P300 ng shabu sa suspek. Nang matapos na ang kanilang transaksyon ay saka ibinigay nito ang hudyat upang arestuhin ang suspek na nakahalata naman at agad bumunot ng baril.

Mabilis namang naka­bunot ng baril si PO3 Lucena at pinaputukan ang suspek dahilan para tamaan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon naman kay PO3 Marlon San Pedro, im­bestigador ng MPD-homicide section, sina Sevillana at matandang Javier ay kasama ng suspek nang maganap ang buy-bust operation sa kanilang bahay.