Isang drug pusher ang napatay habang nadakip ang dalawang kasama nito kabilang ang isang kasambahay nang makipagbarilan sa mga pulis na nagsasagawa ng surveillance operation sa Barangay Balungao, Calumpit, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Santos Mera, Calumpit police chief, ang napatay na tulak na si alyas ‘Juanito’ na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan habang nadakip ang kanyang kasamang sina Regina Maglalang y Alcoriza alyas ‘Gigi’, 40, may-asawa, katulong at Jopeth Tila, 25, tricycle driver, kapwa taga-Barangay Gatbuca, Calumpit.

Base sa imbistigasyon, bandang alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente habang nagsasagawa ng surveillance operation ang awtoridad sa Purok 5-Dike, Barangay Balungao, Calumpit nang bigla na lamang silang salubungin ng putok ng suspek na naging sanhi upang magkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng isa.

Sumuko naman ang dalawang suspek na sinasabing bumabatak din ng droga sa lugar. Nakuha sa napatay na suspek ang isang kalibre 38 revolver, dalawang pakete ng shabu at cell phone na ginagamit umano sa iligal na transaksyon.