PUSHER PATAY SA HABULAN

Patay ang isang pedicab driver na hinihinalang pusher ng iligal na droga, nang pagbabarilin umano ng mga tauhan ng Pasay City Police makaraang tumakbo palayo at magpa­putok ng baril sa gitna nang isinasagawang drug operation kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Eric Sison, 26, ng 1696 F. Muñoz­ St., Brgy. 43, Zone 6 nang nasabing ­lungsod sanhi ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon nina PO3 Alberto Barangas Jr. at PO3 Giovanni Arcinue ng Pasay City Police, dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima sa nasabing lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nadatnan ng mga tauhan ng Buendia Police Community Precinct si Sison at isang ‘di pa nakikilalang lalaki sa Tripa de Galina creek nang nasabing lungsod.

Tumakbo umano ang mga ito at nang makababa ang mga pulis tinutukan sila ni Sison at pinaputukan ngunit hindi sila tinamaan.

Dito na nagsimulang habulin ng mga pulis si Sison na pumasok sa kanyang bahay at tumalon sa bubong ng kanyang kapitbahay kung saan siya nabaril ng isang hindi pa nakikilalang pulis.

Sa salaysay naman ng mga nakasaksi sa insidente, susuko na sana si Sison ngunit patuloy pa rin siyang pinaputukan ng mga pulis sa leeg at iba’t ibang bahagi ng katawan na aga­ran nitong ikinamatay.

Ayon sa mga pulis, armado si Sison ng isang revolver ngunit hindi naman makumpirma ng mga nakasaksi kung may bitbit nga itong baril.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kay Sison ang apat na sachet ng hinihinalang marijuana, isang sachet ng hinihinalang shabu, isang revolver na may dalawang bala at ilang drug paraphernalias.

Natagpuan din sa crime scene ang isang basyo ng kalibre .38 na baril.

Samantala, nadamay sa barilan ang isang residente na nakilalang si Felipe Matias na nagtamo ng tama ng bala sa balikat habang kinukuha niya ang kanyang bisikleta malapit sa lugar ng insidente.

Dinala na ang labi ni Sison sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.