PUSHERS NILILIGPIT NG NINJA COPS

Lalong nagkakahugis ang hinala na ang mga tiwaling pulis tulad ng mga tinaguriang “Ninja cops” ang may kagagawan sa ilang kaso ng summary killings upang pagtakpan ang pagkakasangkot nila sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Ito’y matapos lumabas ang isang testigo sa Senate committee on justice and human rights at itinuro ang ilang miyembro ng Antipolo City police bilang may kinalaman sa pagpatay sa mag-asawang kinutsaba ng mga pulis para i-recycle ang mga drogang nakumpiska sa mga raid.

Sa testimonya ng testigong si Mary Rose Aquino, ibinunyag nitong naging police asset ang ama niyang si Rodelio Campos at isinasama sa raid ng mga pulis sa illegal drugs.

Ang mga drogang nakukum­piska ng mga pulis ay hindi umano isinusurender bagkus ay inire-­recycle upang ibenta.

Pinatay si Rodelio­ at asawang si Roselie noong Hunyo 22 ng mga pinaghihinalaang hand­er nila, ilang araw bago­ umupo sa puwesto­ si ­Pangulong Rodrigo Duterte na nangakong maglulunsad ng giyera kontra sa iligal na droga.

Ayon kay Sen. Antonio Trillanes IV, malinaw sa kaso ng Antipolo na naglilinis na ang ilang miyembro ng PNP sa koneksyon nila sa iligal na droga kung kaya’t iniligpit ang asset na maaa­ring maglaglag sa kanila.

“Talagang mukhang naglilinis sila ng mga connections at makikita n’yo date nun, June 20, that was before the ­assumption of Duterte so in anticipation of that, talagang naglilinis sila. Kaya inaantabayanan natin internal report of PNP,” wika ni Trillanes.

Sa naturang hearing ay ikinagulat ni Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV ang rebelasyon ni Mary Rose.

Inilahad ni Aquino na ang kanyang ama ay da­ting driver na kinuhang “aso” o asset ng mga pulis na kinilala lamang nito sa pangalang “Rabe”, “Torres” at “Ong”. Sumasama umano ang kanyang ama sa operasyon ng pulis subalit imbes na isurender ang nakumpiskang iligal na droga, ito ay dinadala sa kanilang bahay upang i-recycle.

Nagpupunta umano­ ang pulis sa bahay ng kanilang asset hanggang apat na beses kada linggo para magdeliber ng droga na inire-repack at muling ibinebenta.

Sa kuwento pa ni Aquino, bago napatay ang kanyang mga magulang ay nagpaalam ang mga ito para mag-remit­ ng P50,000 benta­ sa droga sa kontak nitong ­pulis. Nakapag-text pa umano ang mga biktima na kapag may nangyari sa kanila ay ang mga kasabwat nilang pulis ang may kagagawan.

“Marami ho sa amin rito, nagugulat sa kuwento niya, na iyong ­pulis mismo ang nagsu-supply sa kanyang mga magulang ng droga. Ito po ba’y nakakagulat sa inyo o pangkaraniwang kuwento na ngayon?” tanong ni Sen. Bam kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa.

“Hindi po, your honor. In fact, marami na tayong pulis na pinagtatanggal sa kanilang assignment. Tinapon natin sa Mindanao­ dahil nga, through intelligence report, nalaman natin na ganoon ang kanilang involvement sa drugs,” sagot ni Dela Rosa kay Aquino.

“Pero ito ngayon na meron talaga tayong witness, i-prosecute talag­a natin ang pulis na ito, itong mga involved na ito,” pagtiyak ng PNP chief.

Agad ding sinibak ni Dela Rosa ang mga pulis na sangkot.

“Effective today, i-relieve na ‘yang mga tao na ‘yan, ilagay ko sa admin holding unit at pa-conduct ko ng investigation ang Internal Affairs Service,” diin ni Dela Rosa matapos ang hearing.