Isang sunog ang sumiklab na tumupok sa may 60 kabahayan sa Las Piñas City kahapon ng madaling-araw na sinadya umanong gawin ng mga tulak at adik upang makatakas sa anti-illegal gambling at drug operation ng Las Piñas Police.

Bunga nito, wala ni isang adik, pusher o kahit sugarol na nahuli ang mga alagad ng batas.

Bago ang insidente, nabatid na nagsagawa ng anti-illegal gambling at drug operation ang mga tauhan ng Las Piñas City Police sa bahay ng isang Joseph Adalbe sa naturang lugar. Ngunit mabilis na natunugan umano ng mga huhulihing sangkot sa droga ang presensya ng mga alagad ng batas kaya nagawa ng mga ito na sunugin ang isang bahay upang malayang makatakas.

Ngunit dahil gawa lamang sa mga light materials ang bahay kaya mabilis na gumapang ang apoy sa iba pang kabahayan at mamatay ang 11-anyos na batang lalaki.

Sa isinumiteng report ni Supt. Jenny Tecson,­ hepe ng Public Information Office (PIO) ng Southern Police District (SPD), kinilala ang nasawi na si Alfred Arcilla,­ nakatira sa Chesa St., Golden Acres, Brgy. Talon 5, Las Piñas City.

Batay sa report ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-12:35 ng madaling-araw.

Nabatid naman sa ina ni Alfred na si Alfreda, sandali niyang iniwan ang anak sa kanilang bahay dahil nagtungo ito sa kapitbahay para maki-charge ng kanyang cellphone.

Dito na nga umano sumiklab ang apoy na tumupok sa nabanggit na bilang ng mga bahay ng may 90 pamilya.

Ayon naman sa ibang residente, nailigtas na umano ang bata, ngunit muli itong bumalik sa nasusunog nilang bahay upang hanapin ang kanyang kapatid hanggang sa hindi na ito nakalabas at tuluyang na-trap ito sa nasusunog nilang bahay.

Bukod pa rito, sinabi pa ng ina ng bata, nakita ng kanyang kapitbahay na tumutulong ang anak sa pag-apula ng apoy hanggang sa natagpuan na nga itong wala ng buhay.

Nalaman din na isa pang bata ang sugatan na kaagad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Matapos ang dala­wang oras ay isinailalim na sa under control ang insidente at tinatayang nasa P300,000.00 halaga ng mga ari-arian ang napinsala.

Samantala, iniimbesti­gahan naman ng pulisya kung may katotohanan ang sumbong ng mga residenteng nasunugan na humingi sila ng tulong sa mga awtoridad na nagsasagawa ng operation na tumawag ng bumbero dahil sa luma­laki na ang apoy, subalit hindi umano sila pinansin at pinagpatuloy ang pagdakip sa mga kanilang target na hulihin.

“Hindi sana lalaki ang apoy kung tinulungan­ kami ng mga pulis na tumawag ng bumbero. Pinabayaan nila kami,” pahayasg ni aling Rita, isa sa mga nasunugan.