Walang balak na ­umatras ang mambabatas na naghain ng ­resolusyon para ­imbestigahan ang ginawang pag-aapi sa dalawang empleyado ng Puregold na minamay-ari ng business tycoon na si Lucio Co.

Bagkus, nakahanap­ pa ng kakampi si ­Mino­rity Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez nang tukuran ni ­Deputy Minority Leader at Ako Bicol Rep. Alfredo ­Garbin Jr. ang hakbang ng una na imbestigahan ang insidente ng ­pagnanakaw ng pagkain ng dalawang empleyado ng Puregold dahil sa gutom.

Sa panayam ng Tonite kay Garbin­, ­kinastigo nito ang ­pamunuan ng Puregold dahil hindi man lang ikinonsidera ang kalagayan ng empleyadong sinasabing nang-umit ng pagkain dahil sa sobrang gutom, bagkus ay ipinakulong pa.

“By reason of hu­nger yun yung tumulak sa kanya, pagnanakaw yun pero if you look at it parang sa akin mi­tigating circumstance yun kumbaga based on humanitarian reason dapat patawarin mo na lang dahil hindi naman ninakaw, kinain.

Hindi inilabas (ng supermarket), kinain dahil sa kagutuman,” katuwiran ni Garbin.

Kapag gumulong na aniya ang imbestigasyon ng Kamara ay magiging sentro ng kalkalan ang problema ng kahirapan at kagutuman.

“So if that is the case, then siguro the subject of investigation yung incidence ng hunger and poverty, I’m gonna support that one,” giit ni Garbin.

Base sa inihaing House Resolution No. 1692 ni Suarez, nais nitong paimbestigahan ang ‘poverty ­implications’ ng ­pag-aresto at pagpapakulong sa da­lawang empleyado na nagnakaw ng pagkain sa supermarket na pag-aari ni Co.

Pinagbasehan ng ­re­solusyon ang lumabas sa pahayagang Abante Tonite noong Pebrero 12 na may headline na “Puregold ni Lucio Co pinakulong ang ­nagutom na empleyado.”

Nakilala ang isa sa nakulong dahil sa pagkain ng cupcake at sandwich na si Juaquin Edilberto, 31-anyos, naninirahan sa No. 11503 Phase 6, Camarin, Caloocan City. Nagsilbing merchandiser si Edilberto sa Puregold branch sa Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City.

Nakalabas siya ng kulungan noong Pebrero 22, 2018 nang makaipon ng P6,000 piyansa ang kanyang kamag-anak. Nakabinbin ang kaso nito sa Metropolitan ­Trial Court Branch 81 kung saan sa Abril 13, 2018 itinakda ang ­kanyang hearing.

Hindi ito ang ­unang pagkakataon na ­iimbestigahan ang negosyo ni Lucio Co dahil noong administrasyong Estrada ay sinilip din ng Kamara ang smuggled goods na ibinebenta umano ng Puregold.