Putahan sa Isetann talamak

Inutos ni Mayor Isko Moreno na imbestigahan ang mga ulat na laganap ang prostitusyon sa Isetann Mall partikular sa may Cinerama Complex sa Quiapo, Maynila.

Sa kanyang mensahe sa mall administrator na ipinaabot ni Moreno sa pamamagitan ni Secretary to the Mayor Bernadito Ang, binalaan ng alkalde ang pamunuan ng Isetann na tiyakin na walang nagaganap na anumang anyo ng prostitusyon sa nasabing establisimyento.

Nabatid na ang nabanggit na mall ay ginagawa rin umanong ‘hantingan’ ng mga call boy ng mga bakla na naghahanap ng makakatalik.

Ayon kay Ang, nakatanggap siya ng maraming impormasyon matapos na ipasara ang mall kung saan kalimitan mga kabataang lalaki na binabayaran lamang ng P150 para sa blow job ay ginagawa ito sa mga rest room at sa loob ng sinehan.

Inatasan niya ang mall operator na maglagay ng mga roving guard para maitaboy ang mga call boy at mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw.

Una nang ipinasara ni Mayor Isko ang naturang mall dahil sa ilang paglabag sa mga regulasyon ng city hall katulad ng kawalan ng business permit pero muling binuksan matapos na matugunan ang kanilang kakulangan. (Juliet de Loza-Cudia)