Halos magtulakan sa matinding takot at nagsitakbuhan ang mga batang naglalaro nang bumulaga sa kanila ang putol na paa na nakasilid sa kahon sa loob ng sementeryo sa Quezon City, nitong Huwebes nang gabi.
Sa report ni PCpl. Christian Loyola, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-5:00 nang hapon (Enero 2) nang matagpuan ang kanang putol na paa sa loob ng Recuerdo Memorial Garden sa Madjaas St., Brgy. Payatas 2, QC.
Masaya umanong naglalaro ang mga bata nang pulutin ang nakitang maliit na kahon subalit nang buksan ay bumungad sa kanila ang putol na paa na may bahid pa ng dugo.
Nagtakbuhan ang mga bata papalabas ng sementeryo at nang makita ang mga nagpapatrulyang mga tauhan ng Batasan Police Station 6 ay mabilis na isinumbong ang kanilang nadiskubre.
Dinala naman ng SOCO team ang natagpuang putol na paa sa St. Eldridge Funeral Service habang isinasailalim sa imbestigasyon. (Dolly Cabreza)