Puwede naman pala na gawing simple ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas at hindi haluan ng fashion show hindi katulad ng mga nakaraang SONA ng mga nagdaang Pangulo ng bansa.
Lahat ng media na nagkalat sa Batasang Pambansa ay naghahanap ng mga bisitang pasaway o hindi susunod sa kagustuhan ni President Rodrigo Duterte na huwag gawing fashion show ang kanyang SONA.
Mabuti naman at walang dumaan sa harap namin na nagrampa ng mamahaling terno na gawa ng mga kilalang fashion designer at sumunod ang lahat lalo na ang mga babae na nakasuot ng business suit.
Sa katunayan, sa mga nagdaang SONA lalo na nu’ng panahon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, marami na ang nanawagan na huwag agawan ang Pangulo ng eksena at umapela sa mga bisita at asawa ng mga mambabatas na huwag magsuot ng mamahaling gown.
Pero walang nakinig dahil tuwing may SONA, naglalabasan ang mga mamahaling gown at alahas ng mga asawa ng mga mambabatas pero kahapon ay naging simple ang damit ng mga tao sa SONA.
Kailangan lang talaga na may political will ang nakaupo sa kapangyarihan para sumunod ang lahat sa pakataran. Hindi madadaanan sa konsensyahan ang karamihan dahil alam naman natin na mayorya sa mga miyembro ng Kongreso ay mayayaman.
Sana magpatuloy ang ganitong sistema sa susunod na 5 SONA pa ni Duterte at kahit sinong Pangulo ng bansa dahil kahit wala namang fashion show eh matutuloy at matutuloy ang SONA.
***
Hindi natupad ang sabi ng mga taga-Malacañang na hanggang 30 minuto lang ang talumpati ni President Duterte at ang hindi rin nangyari ang sinasabing “maiiyak” ka sa kanyang speech.
Sa dami naman kasi ng problema ng bansa na kailangang talakayin, imposibleng magkasya ang 30 minutong talumpati kaya sa susunod huwag masyadong i-promote dahil panonoorin naman talaga ng mga tao ang SONA ng pangulo.
Imbes din na maiyak ay nagtatawanan ang mga tao dahil sa mga adlib ni Duterte.
Nagkaroon ng buhay ang SONA dahil sa mga adlib na pinagtatawanan ng mga congressmen pero punung-puno ng katotohanan.
Palagay ko sobra sa promotion ang mga bata ni Duterte na hindi naman dapat gawin dahil kahit sinong Pangulo na nagso-SONA ay inaabangan naman talaga ng sambayanang Filipino.
Wala ring nakitang bago sa mga shots sa SONA na inidirek ng batikang director na si Brillante Mendoza. (dpa_btaguinod@yahoo.com)