Umabot sa halos 200 katao ang naaresto ng Pasig City Police sa ikinasa nilang ‘Oplan Galugad-Bulabog’ sa ilalim ng ‘one time bigtime’ operation.
Nitong Sabado isinagawa ng Pasig City Police ang nasabing operasyon sa ilang lugar sa lungsod na tinaguriang ‘problematic’ dahilan upang madakip ng mga operatiba ang may 195 katao na kinabibilangan ng isang 16-anyos na binatilyo na nahulihan ng .38 na caliber na may limang bala.
Ang mga naaresto ay may mga kinakaharap na mga kaso kabilang ang paglabag sa anti-drugs law, illegal gambling, pag-inom at paninigarilyo at nakahubad sa pampublikong lugar, at may limang may warrant of arrest.
Sa dami ng naaresto hindi pa rin naiwasang magkaroon ng madugong engkuwentro dahil may isang napatay sa bahagi ng MMDA Pump 21, Eastbank Road, Floodway sa Sta. Lucia matapos umanong manlaban sa mga sumalakay na operatiba ng pulisya.
Bagama’t may isang napatay ay maituturing pa ring hindi ganun kadugo ang operasyon at higit sa lahat ay hindi bumulagta ang menor-de-edad na nakasamang naaresto.
Sana lahat ng ilunsad pang anti-criminality at drug operation ng Philippine National Police (PNP) ay walang dumanak na dugo dahil nagdudulot ito ng pagdududa sa sinseridad ng kapulisan sa isinasagawa nilang giyera kontra iligal na droga.
Naniniwala kaming mas maituturing na tagumpay ang war on drugs na ito ng gobyernong Duterte kung maaaresto at mapapanagot sa kanilang pagkakasala sa bayan ang mga utak ng pagpapakalat ng iligal na droga sa ating bansa at hindi iyong basta na lamang bumubulagta.