Puwedeng lumaban  

Kung mabibigyan ng break ang mga Filipino riders sa Japan, tiyak na mapapalaban sila sa malalaking karerahan ng Japan Racing Association at sa iba pang maliliit na karerahan na nakapalibot doon.

Ito ang napansin ng Abante Tonite sa nakaraang pagbisita sa Chukyo Racecourse, nakita ang kapabilidad ng mga Japanese jockeys at ilang European riders doon.

Hindi lang sa Chukyo Racecourse kundi sa lima pang karerahan na nasa ilalim ng pamamahala ng JRA. Tatlo sa 10 karerahan ng JRA ang may simultaneous racing sa loob ng isang araw – dalawa habang nagkakaroon ng dalawang araw na karera sa Chukyo Racecourse.

Halos hindi naiiba ang style ng mga hineteng sumasakay doon pero marami ang nagtataka bakit hindi ma-penetrate ng mga Filipino riders ang karerahan ng JRA.

Karamihan ng Filipino riders na nasa Japan ay naninilbihan sa mga horse farms sa Hokkaido.

Dalawa sa malalaki at kilala dito ay ang Shadai Stallion Station at Northern Horse Park.

Ilan sa kanila sina Miguel Recosana, Ernesto Aderes, Joe Noel Camu, RK Hipolito, Renato Gil, RE Inocencio, Andre Sullano, HB Borbe, RP Moises, Ver Bartolome, RL Llamoso, RC Bolivar, Rogelio Bolivar, MC Zamora, Jeff Ladiana, at AR Reloto, ang dating nag-iisang lady jockey sa Pilipinas.

Marami sa kanila ay lagpas limang taon nang nagseserbisyo doon, nakapagpundar na ng kabuhayan dito sa Pilipinas. Sa ganda ng serbisyo, hindi na sila pinakawalan ng mga may-ari ng mga stables doon.

Maganda ang suweldo, hindi na nila pina­ngarap manakay at makipaglaban sa mga hinete doon. Medyo may edad na rin sila para makipagkumpetensya at medyo bumigat na ang timbang sa paglipas ng panahon.