Dahil sa naganap na pagsabog sa Davao City noong Biyernes, nanawagan ang Department of Education (DepEd) ng karagdagang bilang ng mga pulis na magbabantay sa mga paaralan sa Davao City.
Kasabay ito ng mariing pagkondena ng DepEd sa naganap na pagsabog sa Davao City night market na nag-iwan ng 14 katao nasawi at mahigit 60 sugatan.
Nakikiramay din ang DepEd sa naiwang pamilya ng mga biktima ng marahas na insidente.
Ayon sa DepEd, bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga estudyante at mga guro sa muling pagbubukas ng klase ngayon ay hiniling nila ang police visibility.
Pinayuhan din ng DepEd ang mga guro at tauhan na mag-ingat at manatiling mapagmatiyag.