Puwesto para sa SK elections nilalangaw

For the Record by Aileen Taliping

Matumal ang bilang ng mga kabataang nais sumali sa Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Mayo a kinse.

Ayon sa National Youth Commission (NYC), 79,000 pa lamang ang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy o COC at hindi pa nakaabot sa kalahati ng 350,000 na bakanteng posisyon sa buong bansa.

Biyernes, Abril 20 ang huling araw at huling pagkakataon para humabol ang mga kabataan na magsumite ng kanilang COC kaya nanawagan ang NYC sa mga kabataang Filipino na makilahok sa halalan.

Personal na nanawagan si NYC Officer-in-charge Ronald Cardema sa mga kabataan sa buong bansa na maging aktibo at muling ibalik ang sigla sa pagsali sa SK elections.

Sabagay, 2010 pa nangyari ang hu­ling SK elections at hindi masisi ang mga kabataan kung tinabangan na ang mga itong makilahok sa kanilang mga barangay dahil ilang beses na ipinagpa­liban ito.

Sa loob ng walong taon ay marami ng nangyaring pagbabago at ang mga kabataang dating nahihilig maglingkod sa kanilang komunidad ay iba na ang gustong gawin.

Maunlad na ang teknolohiya at ang mga kabataan noon ay ‘millennial’ na ang tawag sa kanila ngayon.

Hindi masabi ni Cardema kung ang mababang bilang ng mga kumandidato para sa SK elections ay resulta ng nag-ibang pananaw ng mga millennial dahil sa teknolohiya o dahil sa kampanya ng gobyerno kontra katiwalian.

Marami na kasing puwedeng pagkaabalahan ngayon ang mga kabataan gamit ang iba’t ibang gadget kaya’t wala ng panahon para lumabas para tumulong sa kanilang barangay.

Dahil dito, hinamon ng NYC ang mga millennial na ipakita sa mga kababayan na mayroon silang silbi sa lipunan at para hindi sila mapagkamalang mga ‘troll’.

Maaari silang sumuporta sa mga programang pang­kabataan ng gobyerno para mailayo sa masamang bisyo gaya ng iligal na droga.

Panahon na para ipakita sa publiko na mayroong magagawa ang mga kabataan para sa bansa at sa gobyerno at sumuporta sa mga ginagawa ng pamahalaan.

Gaya nga ng sabi ni Gat Jose Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, kaya’t dapat na buhayin ang sigla ng pakikisama, pagtutulungan at pagmamahal sa bayan na tila unti-unti ng nawawala.