Isa pa na papaangat na batang pole vaulter ang nagpakita ng husay kasunod ng unang Pilipinong nag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics na si Ernest John “EJ” Obiena.
Siya ay ang 18-anyos na si Hockett Delos Santos mula Ilagan, Isabela na ‘di natakot sa kanyang mga kalaban, kabilang ang Southeast Asian Games medalist mula Thailand upang sungkitin ang bronze medalya sa bago niyang personal best sa 30th SEA Games 2019 Track and Field Test Event sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.
Pinakita ni 2017 SEAG pole vault silver medalist Thai Patsapong Amsamang ang kakayanan para hamunin sa medalyang si Obiena pagsapit ng aktuwal SEAG sa Nob. 30-Dis. 11.
Nagposte si Patsapong ng 5.50 metro upang agawin ang ginto sa kababayan si 2017 SEAG gold medalist Porranot Purahong na may 5.20m.
Ang tanso ni Delos Santos ay kakibat ng 4.80m para siguruhin ang kanyang silya sa pambanang koponan. Binura niya ang 4.20m niya dati.
“Ginawa ko lang po ang lahat ng aking makakaya,” sabi ni Delos Santos.
Nagbanda rin ng kahandaan sa nalalapit na 11-nation, 12-day meet sina sprinter Kristina Knott at long jumper Janry Ubas sa impresibo ring mga panalo.
Gold winner si Knott sa 200m women at si Ubas sa men’s long jump upang pangunahan Nationals. (Lito Oredo)